Thursday, January 20, 2011

Sampung Taon ng EDSA 2: Walang dapat pagsisihan!

Sampung Taon ng EDSA 2: Walang dapat pagsisihan!

Bago ang EDSA 2

Ang bilis ng panahon at sampung taon na pala ang nakalipas mula ng sumama ako sa isang pagkilos na mas kilala sa tawag na "EDSA 2". Ang pagkilos na ito ay para patalsikin ang isang bangkaroteng gobyerno ni Erap. Naalala ko noon,ako ay dalawang taon pa lang sa kilusang kabataan (ALYANSA at Akbayan Youth) nung gumulong ang kampanyang "Erap Resign".Taong 2000 pa lang ay nananawagan na kami para sa resignasyon ni Erap. Isa sa mga basehan namin ay ang mga malabong polisya nito sa edukasyon,usaping pangkapayapaan,repormang agraryo at marami pang iba.

Isa sa mga natatandaan kong pagkilos na aking sinamahan bago ang Edsa 2 ay ang "civil disobedience" namin sa morayta upang subukan at hamunin ang gobyerno ni Erap. Di naglaon ay gumulong sa kongreso ang impeachment complaint laban kay Erap.Kasabay ng pag usbong ng mga teleserye nung mga panahon yun,para din isang teleserye ang live coverage ang impeachment proceedings ni Erap.Nakatutok ang buong sambayanan sa mga telebisyon upang panoorin ang mga eksena sa nasabing teleserye ni Erap.Inabangan,may umiyak,katatawanan,maaksyon at marami pang iba yan ang mga eksena na ating nasaksihan. Hanggang sa dumating ang hindi inaasahang araw(Enero16,2001) ni Erap,ang pagbasura o pagkatalo sa boto ng prosecutions sa usapin ng pagbubukas ng envelope na pinaniniwalang may laman na jose velarde account na naging dahilan at para madismaya ang taumbayan at inuluwal ang EDSA 2.

EDSA 2

Naalala ko noon,ako ay may karamdaman ng mga panahon na yan.Halos isang buwan na ko hindi lumalabas pero dahil sa pangyayari na yan ay nawala ang aking iniindang sakit. Inumpisahan kong mag imbita ng aking kapwa kabataan sa aming komunidad.Ilang araw ang nakalipas parami ng parami ang tao sa Edsa.Pataas ng taas ang emosyon ng mga tao sa Edsa.Naalala ko noon na ang naging pambansang prutas natin pamsamantala ay balimbing.Dahil marami sa mga kaalyado ni Erap ay isa-isang nagtalunan sa papalubog na barko ni Erap. Hanggang dumating na nga ang araw ng paglubog ng barko ni Erap noong Enero 20,2001.Kasama ako sa pagmartsa nung umaga ng Enero 20,2001 papunta sa Mendiola.Hindi namin ang alitana ang puyat,walang ligo,gutom at pagod habang kami ang nagmamartsa. Iisa ang pakay ng mga tao, ang lusubin ang Palasyo.Pero habang kami ay papalapit na,nilisan na ni Erap ang Palasyo dahil sa katwiran niyang ayaw niyang dumanak ang dugo.

Esaktong alas-dose ng tanghali nanumpa ang nuoy bise-presidente na si GMA.Sa pangunguna ni Chief Justice Hilario Davide.Naging Presidente na nga si GMA bilang kapalit ni Erap.Nagbunyi ang mga tao sa pakakaalis ni Erap sa pwesto at pagpalit ni GMA sa kanyang puwesto.

Sampung Taon ang nakalipas

Sampung taon ang nakalipas,hindi ko pinagsisihan ang pagsama sa Edsa 2. Pero kailangan natin bawiin ang diwa ng Edsa 2 sa pamamagitan ng pagpaparusa sa lumapastangan at gumamit nito. Hindi dapat natin pabayaan na hindi managot ang arkitekto nito sa katauhan ni GMA. Isama na rin natin ang alipores nito katulad nila Gen.Garcia,Merceditas Gutierrez,Norberto Gonzales,Ben Abalos at marami pang iba na hindi ko na mabilang.Kung pinagbayad natin si Erap sa knayang mga kasalanan,kailangan makita natin na humihimas ng malamig na rehas ang lahat na lumapastangan sa diwa ng Edsa 2.

Pero sa sampung taon ang nakalipas,may isa akong mas lalong hindi ko pinagsisihan sa pagsama sa Edsa 2, dahil sa Edsa 2 nakilala ko ang aking naging kabiyak at pagkakaroon ng unica hija.